Ina ng yumaong komedyanteng si Kim Idol, kinilala ang anak bilang bayani sa pandemya

Instagram/@kimdinosaur

Pumanaw na ang komedyanteng si Kim Idol o Michael Argente sa totoong buhay, edad 41, matapos malagay sa kritikal na kondisyon kamakailan.

Ibinahagi ng inang si Maria Argente sa Facebook ang kanyang pagdadalamhati at pag-alala sa anak na nagsilbing frontliner sa COVID-19 pandemic.

“Anak alam ko lumaban ka para hindi mo kami iwan,” pahiwatig ng ina sa pagpanaw ng anak nitong Lunes ng umaga.


“Pinaalis mo lang kami ng ate mo dahil hindi namin kaya na mawala ka. Maraming nagmamahal sa’yo anak. We love you,” aniya.

Nang magsara ang mga comedy bar dulot ng community quarantine, boluntaryong sumabak si Kim bllang frontliner sa Philippine Arena sa Bulacan na ginawang quarantine facility.

“Magandang alaala ang iniwan mo anak lalo na sa mga Covid victim na pinasaya mo inawitan mo. Sabi mo bumilis ang kanilang paggaling kasi nawawala ang kanilang lungkot.” pagmamalaki ng ina.

Binaggit din ng ina na ikinatakot niya ang desisyon ni Kim na maging frontliner, ngunit pinayagan niya rin.

“Sobrang saya mo ng ibalita mo sa akin na kahit nakasalamuha mo sila negative result mo. Sobrang proud ako sa’yo anak. Maraming sumasaludo sa’yo, para sa akin anak isa kang bayani,” aniya pa.

Noong nakaraang Miyerkules, Hulyo 8 nang mawalan ng malay si Kim na isinugod sa ospital at kinabitan ng life support.

Taong 2015 nang ibunyag ng komedyante na mayroon siyang ‘di pangkaraniwang kondisyon na tinatawag na brain arteriovenous malformation (AVM) o pagbubuhol-buhol ng mga ugat sa utak na nagpapahirap sa pagdaloy ng dugo rito.

Facebook Comments