Incumbent Vice Mayor sa isang bayan ng Cagayan, Inireklamo ng Pananampal at Pambubugbog

Cauayan City, Isabela- Inireklamo ng dalawang indibidwal ang kampo ni Vice Mayor Expedito Taguibao ng Enrile, Cagayan dahil sa umano’y pananampal noong kasagsagan ng pangangampanya sa kanilang lugar.

Sa report ng Police Regional Office 2, inireklamo si Taguibao matapos ang umano’y pananakit ng kampo nito sa mga biktimang sina Sofronio Calimag at Danny Tuppal, kapwa mga nasa tamang edad at residente ng Brgy. Magalalag East sa nabanggit na bayan.

Ayon kay PMaj. Rodel Gervacio, hepe ng Enrile Police Station, sakay ang mga biktima sa sasakyan ng isang SB candidate na si Cosme Tuddao sa Poblacion Area na nag-iikot din para mangampanya ng hindi inaasahang magkatagpo ang grupo ni Taguibao na kumakandidato sa pagka-alkalde.

Lumabas sa pagsisiyasat, napikon umano ang bise-alkalde dahil sa lakas ng tunog ng campaign jingle ng kumakandidatong Sangguniang Bayan.

Bigla umanong lumapit ang bodyguard ng opisyal at kinompronta ang dalawa kasabay ng pagbibitiw ng mga masasakit na salita.

Pilit umanong pinabababa ng kampo ni Taguibao sa sasakyan ang driver at isa pang sakay nito nang ilang saglit pa ng sampalin umano sila mismo ni Vice Mayor.

Kasunod nito, sinakal at binugbog umano ang isa sa dalawang biktima ng mga bodyguard ng bise-alkalde. Kasalukuyan pa rin na iniimbestigahan ng PNP Enrile ang nasabing insidente habang itinanggi naman ng bise-alkalde ang paratang.

Batay sa pakikipag-usap ng hepe ng pulisya, sinasabing nakahanda naman umano ang kampo ng bise-alkalde na sagutin ang posibleng kasong ibabato laban sa kanya.

Facebook Comments