
Nagbabala ang Bayan Muna na maari umanong makaranas ng tinatawag na “inflation explosion” ang Pilipinas, kung walang kongkretong hakbang ang gobyerno sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa isang statement, sinabi ni Bayan Muna Executive Vice Pres. Isagani Zarate na may domino effect sa halaga ng mga produkto, kuryente at tubig, at iba pang serbisyo ang walang prenong oil price hikes.
Aniya, kailangang agad kumilos ang administrasyong Marcos Jr. dahil nakaka-alarma ang ulat ng Philippine Statistics Authority o PSA na pumalo ang inflation o patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa 2.4% noong Pebrero.
Giit ni Zarate, kung mananatiling kuntento ang gobyerno sa “band-aid solutions” gaya ng isinusulong na “emergency powers” para sa presidente, asahan na aniya ang mas marami pang taas-presyo sa mga susunod na buwan.
Hinikayat ni Zarate ang Kongreso na madaliin na ang pagpasa sa House Bill 215 o Presyo Ibaba Bill, na layong alisin ang excise tax at expanded Value Added Tax o VAT sa langis, kuryente, tubig, toll, pagkain at ibang produkto.
Gayundin ang iba’t ibang panukalang batas para sa reporma sa oil industry.
Naniniwala si Zarate na ang mga nabanggit ay pinakamabisang “relief measure” o solusyon na maiaambag ng Kongreso.










