CAUAYAN CITY – Isang shooting incident ang nangyari sa loob ng isang inuman sa Brgy. Lublub, sitio Balintugo, Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng IFM News Team kay Police Captain Leogarda Clavio, Deputy Chief ng PNP Alfonso Castañeda, dalawang concerned citizen ang nagtungo sa kanilang opisina matapos makarinig ng isang putok ng baril ang mga ito.
Agad namang rumesponde ang kapulisan sa nasabing lugar kung saan ay nakita nila ang suspek at isang biktima na nagtamo ng tama ng baril sa paa.
Agad namang dinala sa pagamutan ang biktima upang lapatan ng paunang lunas, habang ang suspek ay dinala sa himpilan ng Alfonso Castañeda PS.
Mahaharap ngayon sa kasong RA 10591 in relation to Comelec Gun ban at Reckless imprudence resulting (RIR) in physical injury ang suspek.