Hiniling ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na protektahan ang testing system o sistema ng pagsusulit lalo na ang pagkuha ng mga board exam sa bansa.
Ang hirit ng lider ng Minorya sa Senado ay kaugnay na rin sa plano ni Health Secretary Teodoro Herbosa na bigyan ng temporary license ang mga nursing graduates na bumagsak o nakakuha ng score na 70 hanggang 74 sa kanilang board exam para makapagtrabaho na sa mga public hospitals.
Ito ang naisip na plano ng Health Secretary para matugunan ang problema sa tuluyang pagbagsak ng bilang ng mga nurses sa bansa dahil sa patuloy na mass exodus o pag-alis sa Pilipinas para makapagtrabaho sa abroad.
Tutol si Pimentel sa plano ng kalihim sabay giit na kailangang maprotektahan ang integridad ng sistema ng pagsusulit sa bansa.
Aniya, kapag pumasa sa board ay malinaw na handa at competent na sa paghahatid ng health services ang isang examinee at kung bumagsak naman ay ibig sabihin lamang nito, hindi pa handa na maging nurse ang isang nursing graduate.
Payo ni Pimentel, huwag ibaba ang grado ng mga kukuha ng board exam at mag-stick o manatili sa kasalukuyang passing grade na 75%.
Ang dapat na gawin ng gobyerno aniya ay paghusayin ang lalamanin ng exam at tiyakin na ang mga katanungan na nakalagay sa test ay nakadirekta sa knowledge at skills set ng mga nurses.