Sa pagsisimula sa puwesto ng administrasyong Marcos muling tumaas ang internet download speed sa bansa sa fixed broadband at mobile ayon sa pinakahuling datos ng Ookla.
Sa July 2022 report ng Ookla Speedtest Global Index, ang fixed broadband median speed sa bansa ay tumaas sa 75.62Mbps mula sa 68.94Mbps noong nakaraang buwan.
Ang average download speed para sa fixed broadband ay naitala sa 102.93Mbps.
Tumaas din ang mobile median speed na nakapagtala ng download speed na 22.56Mbps mula sa 21.41Mbps noong nagdaang buwan.
Ang average download speed para sa mobile ay 52.33Mbps.
Dahil sa muling pagtaas ng download speed ay umakyat pa ang global rank ng Pilipinas sa fixed broadband (seven notches) at mobile (four notches).
Sa ngayon ayon sa Ookla, ang Pilipinas ay nasa pang-46 na puwesto na mula sa 182 bansa para sa fixed broadband.
Habang nasa pang-84 na puwesto naman mula sa 140 bansa sa mobile.
Nakatulong sa pagbuti ng internet speed sa bansa ang mas pinadaling proseso sa pag-iisyu ng LGU permits na nagpabilis din sa pagtatayo ng cellular towers at fiber optic network ng mga telco.
Sa unang quarter ng 2023, inaasahang sisimulan na ring i-deploy ang Starlink broadband ni Elon Musk sa bansa na makatutulong sa pagbuti pa ng internet speed.
Target ng Starlink na mabigyan ng kuneksyon ang mga isolated at disadvantaged areas sa bansa na mayroong download speed na aabot sa 100Mbps hanggang 200Mbps.
Sa sandaling ito ay maisakatuparan, ang mga naninirahan sa liblib na lugar ay magkakaroon na rin ng access online na kailangan na ngayon sa edukasyon, health services, online banking at iba pa.