Tuesday, February 10, 2026

Isa pang vintage bomb, nahukay sa UP campus

Isa na namang vintage bomb ang nahukay ng isang construction worker sa loob ng UP campus, sa harapan ng Institute of Chemistry Teaching Building, Brgy. UP campus, sa lungsod ng Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ng Anonas Police Station (PS 9) ng Quezon City Police District (QCPD), naghuhukay umano ang construction worker na si Andrew Gepoleo, nang matamaan ng pala ang isang matigas na bagay na nakabaon sa lupa.

Nang suriin ni Gepoleo ang natamaan ay tumambad sa kaniya ang kinakalawang na bomba kaya ini-report niya ito agad sa mga awtoridad.

Agad rumesponde ang mga operatiba ng Explosive Ordnance Disposal ng QCPD na nagsagawa ng safety procedure (RSP) at saka maingat na dinala ang vintage bomb para sa kustodiya at tamang disposisyon.

Magugunitang noong Lunes, February 3, unang nakahukay ng vintage bomb sa loob din ng UP campus sa harapan ng Institute of Chemistry Teaching Building, Brgy. UP Campus, QC ang isang construction worker.

Facebook Comments