Nasawi ang isang lalaki sa nangyaring malawakang pagbaha sa Northern, Nergros Occidental dulot ng walang tigil ng pag-uulan.
Base sa impormasyon, ang nasabing namatay na lalaki ay natagpuang wala nang buhay sa kanyang bahay sa Silay City ng naturang lalawigan.
Ayon sa pinuno ng Silay City Disaster Risk Reduction and Management Ofice na si Alex Muñoz, patuloy pa rin nila na inaalam kung ano ang ikinamatay ng biktimang si Mardy Lomanog ng San Herman, Barangay Guimbalaon.
Dagdag pa ni Muñoz, maraming nagsabi na bumalik pa ang biktima sa kanilang bahay pero ito ay bumigay at na-trap na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sinabi naman ni Silay City Social Welfare Assistant Maricar Pueda, pitong barangay ang apektado sa kanilang lungsod kung saan umabot sa 193 na mga pamilya o 730 na mga indibidwal ang kabuuang apektado ng malawakang pagbaha.
Nakabalik na sa kanilang tirahan ang karamihan sa evacuees sa Silay City Civic Center matapos humupa ang baha at mahigit 1,100 na mga pamilya rin ang nakauwi na sa kanilang bahay na nag-evacuate sa Victorias City Coliseum.
Ayon naman kay Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson, patuloy ngayon ang evaluation ng Provincial Social Welfare and Development Office sa pinsala ng pagbaha sa Northern, Negros Occidental upang makabigay ng tulong ang Provincial Government.