Cauayan City, Isabela – Pinawalang sala na ang kasong kinasangkutan ng isa sa dalawang suspek na tumumbok sa pitong kabataan at ikinasawi noon ni Jake Macadangdang.
Mariing ipinahayag ni Police Senior Inspector Esem Galiza, ang pinuno ng Police Communication Relation ng PNP Cauayan City na lumabas ang desisyon ng City Prosecutors Office kamakailan kung saan ay nadismis umano ang kaso para sa pasahero o kasamahan ng pangunahing suspek o driver ng sasakyang ginamit sa pag-araro sa mga biktima.
Aniya, nakalaya na si Hugiebert Moico matapos na dinala ng kamag-anak nito sa himpilan ng pulisya ang kopya ng desisyon ng piskalya, samanatalang nakakulong parin si Aaron Christian Reyes dahil sa kasong Murder, Multiple Frustrated Murder at Reckless Imprudence Resulting to Damage to Property.
Samantala, wala naman umanong nagbigay ng affidavit kaugnay sa napabalitang may natagpuang baseball bat sa loob ng sasakyan ng mga suspek kung saan ay pinaghihinalaang ginamit na pinangpalo sa ulo ni Jake Macadangdang na naging sanhi ng agarang kamatayan nito noon dahil sa nakitang matinding sugat sa ulo matapos ang pag-araro ng mga suspek sa tatlong motorsiklo na sinakyan ng mga biktima noong August 24, 2018.
Matatandaan na sinagasaan nina Reyes at Moico ng Aurora Isabela ang tatlong motorsiklo na sinakyan ng mga biktima na sina JohnMark Sanchez, Robie Sinnott, Derik Villa Fuerte, Daryl Ordonez, dalawang menor de edad at ang nasawing si Jake Macadangdang.