Cauayan City, Isabela- Naghahanda na ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela para sa gagawing pagbabakuna sa oras na dumating ang COVID-19 vaccine sa probinsya.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Atty. Elizabeth Binag, Provincial Information Officer, kanyang sinabi na mayroon ng mga tao ang naatasan na magmamando at aasiste sakaling available na sa probinsya ang bakuna na kung saan ay itinalaga bilang Vaccine czar si Assistant Provincial Health Officer Dr. Arlene Lazaro.
Ayon sa tagapagsalita, mayroon ng 6 libo na inisyal na bilang ng mga unang tuturukan ng bakuna gaya ng mga medical health workers, uniformed personnel at iba pang frontliners.
Pangalawang prayoridad ang mga senior citizens, at isusunod ang mga persons with commorbidities.
Ang bakuna na ituturok sa mga frontliners o unang prayoridad ng provincial governement ay dipende pa sa ibibigay ng national government habang ang mga least priorities ay AstraZeneca vaccine na inaasahang darating sa ikatlong Linggo ng Pebrero.
Nilinaw ni Atty. Binag na hindi sapilitan ang pagpapaturok ng bakuna dahil ito’y boluntaryo kaya’t kanyang hinihikayat ang lahat na makiisa sa gagawing pagbabakuna.
Ang listahan ng mga brgy nutrition scholars, barangay healthworkers, popcom, Mid wife’s ay manggagaling sa LGU habang ang mga senior citizens at mga kabilang sa ‘indigent family’ ay manggagaling naman sa DSWD.
Kaugnay nito, tutukan ngayon ng pamahalaang panlalawigan ang pagpapakalat ng impormasyon kaugnay sa kahalagahan at magandang dulot ng COVID-19 vaccine dahil sa kasalukuyan ay mababa pa rin aniya ang confidence at tiwala ng mga Isabelino na magpabakuna dulot na rin ng mga lumalabas na impormasyon sa social media.
Ibinahagi nito na ang target ng national government ay 70 percent sa mga Pilipino ang dapat na mabakuhan upang maprotektahan ang komunidad at mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.