*Aurora, Isabela**- *Arestado ang isang magsasaka matapos magbanta at manutok ng baril sa kapwa magsasaka sa Brgy. San Pedro-San Pablo Aurora, Isabela.
Kinilala ang suspek na si Wilfredo Cuyos, 60 anyos habang ang biktima ay si Rolando Benitez, kapwa nakatira sa naturang lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, dumalo sa isang party sa naturang lugar ang suspek at biktima at nang nasa impluwensya ng alak ang suspek ay bigla na lamang naglabas ng baril at itinutok sa biktima.
Habang nakatutok ang baril sa biktima ay binulungan ito ng suspek ng “Isang bala ka lang”.
Agad namang tumakbo ang biktima at humingi ng tulong sa kanilang Brgy. Captain na nagresulta sa pagkaka-aresto ni Cuyos sa tulong ng mga rumespondeng kasapi ng Aurora Police Station.
Nakumpiska mula kay Cuyos ang isang Cal. 38 handgun na may kasamang limang bala.
Dinala na sa PNP Aurora ang suspek maging ang nakumpiskang baril para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Samantala, mahaharap sa patung-patong na kaso si Cuyos gaya ng paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, paglabag sa Omnibus Election Code (Firearms ban) at Grave Threat.