Cauayan City, Isabela- Nagbalik-loob sa gobyerno ang isang miyembro ng Milisyang Bayan (MB) dala ang kanyang M16, magazine at mga bala sa Sitio Rutong, Barangay Gangalan, San Mariano, Isabela.
Sa ibinahaging impormasyon ni Major Jekyll Julian Dulawan, acting chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, ang sumuko ay nakilalang si alyas Dalisay na namulat dahil sa hindi nito inaasahang mangyayari sa kanyang buhay habang kaanib ng mga New People’s Army (NPA).
Isa rin aniya sa nagtulak sa kanya para sumuko ay dahil samga serbisyo at programa na ipinagkakaloob ng gobyerno sa mga nagbabalik-loob.
Ibinahagi din ni alyas Dalisay na ang kanyang bitbit na M16 ay ipinagkatiwala ng isang Alyas Amar, kumander ng NPA noong taong 2013 bilang kanyang armas.
Inihayag din ng sumuko na wala umano silang naranasang pagbabago tulad ng ipinangako sa kanila ng kilusan.
Sa ngayon ay nasa kustodiya ng kasundaluhan si Dalisay at ang kanyang isinukong mga gamit pandigma para sa tamang disposisyon.
Umapela rin si BGen Laurence E. Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa mga nauna nang sumuko na tulungan ang kanilang mga dating kasamahan na magbalik loob din sa pamahalaan.