Isang Pulis, Inaresto matapos Makasagasa ng Binata!

216

*City of Ilagan, Isabela- *Inaresto ng kapwa pulis ang isang Police Officer 1 matapos makasagasa ng isang binata bandang ala una kaninang madaling araw sa pambansang lansangan ng Brgy Baligatan, City of Ilagan, Isabela.

Kinilala ang nadakip na suspek at driver ng Toyota Innova na si PO1 Maynard Marayag, 29 anyos, may asawa, nakahimpil sa Ilagan City Police Station at nakatira sa Brgy Balasig, Cabagan, Isabela habang ang biktima ay kinilalang si Mark Anthony Meneses, 25 anyos, residente naman ng Brgy Osmeña, City of Ilagan, Isabela.


Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, humiga umano ang biktima sa naturang lansangan partikular sa linya na patungong north direksyon matapos bugbugin ng tatlong kalalakihan.

Kaugnay nito ay hindi umano ito napansin ng suspek na magreresponde sana sa isang gulo sa Brgy Alibagu, Ilagan City.

Dahil dito ay nasagasaan ni PO1 Marayag ang nakahigang katawan ng biktima na nagresulta sa agarang pagkamatay nito.

Napag-alaman ng mga otoridad na positibo sa alak ang biktima nang ito ay gulpihin ng mga kalalakihan.

Nasa kustodiya na ng PNP Ilagan City ang suspek maging ang sasakyan para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments

From Advertisers