
Nilinaw ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na naplantsa na ang isyu ng mga kongresista tungkol sa umano’y binawasan ng Senado ang pondo sa ilang mga distrito.
Ayon kay Gatchalian, posibleng nagkamali lamang ng basa ang mga kongresista sa in-upload ng Senado na committee report.
Aniya, nasa apat o limang kongresista ang tumawag sa kanya para linawin ang tinanggal na mga district fund.
Posible aniyang nagmula ang kalituhan dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay ini-upload sa online ang Senate committee report, at ang nakaupload doon ay tanging mga amyenda lamang, tulad ng mga red-flagged item na tinanggal na nila.
Iginiit ni Gatchalian na walang proyekto ng mga kongresista ang inalis mula sa General Appropriations Bill (GAB), maliban sa 28 infrastructure projects na natukoy na red-flag o paulit-ulit lamang na aabot sa P1.5 billion.
Hinimok ng senador ang mga kongresista na makipag-ugnayan sa kanilang House Committee on Appropriations para maipaliwanag nang mabuti sa kanila ang tungkol dito.









