Cauayan City, Isabela- Dinakip ng mga awtoridad ang anim (6) na katao matapos mahuli sa aktong pagsusugal sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon sa Barangay Maluno, Benito Soliven, Isabela kahapon, Enero 28.
Kinilala ang mga suspek na sina Mila Maramag, 66-anyos; Marcrina, 58-anyos, Flora Julian, 72-anyos, isang 75-anyos na babae, 57-anyos na ginang at 56-anyos na ginang na pawang mga residente ng naturang barangay.
Batay sa imbestigasyon ng Benito Soliven Police Station, naaktuhang naglalaro ng ‘tong-its’ ang nasabing bilang ng mga suspek sa ilang lugar partikular sa harap ng isang tindahan.
Kinumpiska sa mga ito ang baraha na ginamit sa paglalaro gayundin ang pera na nagkakahalaga ng P442.00.
Nabatid na ang isa sa mga suspek ay kaanak ni Mayor Lungan ng naturang bayan.
Hindi naman ito kinonsinte ng alkalde dahil na rin sa umiiral na batas kontra iligal na sugal, ito ang kinumpirma ni PMAJ. Krismar Angelo Casilana, hepe ng PNP Benito Soliven.