Cauayan City, Isabela – Nararapat lamang umano na irespeto ang kababaihan dahil malaki ang kontribusyon ng mga ito sa lipunan at siyang katuwang ng mga kalalakihan sa lahat ng bagay lalo na sa usaping pampamilya.
Ito ang naging reaksyon ni Cagayan Board Member Maila Ting Que kaugnay sa pahayag ni Pangulong Duterte na dapat ang susunod na maging Supreme Court Chief Justice ay isang lalaki at hindi babae.
Agad namang binawi ito ng pangulo makaraang lumabas sa social media ang hashtag babae ako bilang tugon sa pagiging anti women ng pangulo.
Pahayag pa ni Ting Que bago sana nagbitaw ng ganoong salita ang pangulo ay inisip niya munang may ina at anak din siyang babae.
Dagdag pa ni Board Member Que na hindi dapat minamaliit ang kakayahan ng kababaihan dahil kung paghawak lamang ng katungkulan ay mas malinaw ang pananaw ng mga kababaihan.