*Cauayan City, Isabela-* Matagumpay na isinagawa kahapon ang Kabataan Kontra Droga At Terorismo (KKDAT) na may temang “Kabataang Bagani, Bagong Bayani” sa pangunguna ng PNP Cauayan City.
Ito ay bilang bahagi ng isinasagawang kampanya kontra droga ng PNP upang masupil ang mga taong nasasangkot sa ipinagbabawal na gamot.
Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay Police Captain Esem Galiza, tagapagsalita ng PNP Cauayan City, layon nito na maiiwas ang mga kabataan sa iligal na droga at mailayo sa panghihikayat ng mga makakaliwang grupo kung saan ang mga kabataan na ngayon ang target ng mga rebelde.
Dinaluhan naman ito ng mga SK Chairman ng 65 na Barangay ng Cauayan City sa pangunguna ni SK Federation President Charlene Joy Quintos.
Hiniling ni PCapt. Galiza sa mga SK Officials ang pakikipagtulungan sa PNP upang mabantayan ang mga kabataan at maikampanya ang kontra iligal na droga.
Kaugnay pa rin ito sa pangkakahuli at pagkakasangkot ng ilang kabataan sa Lungsod kaya’t mas lalo pa anya nilang pinapaigting ang kampanya kontra droga upang matuldukan ang pagkakalulong ng mga kabataan sa ipinagbabawal na gamot.