Kaligtasan ng mga Mamamahayag, Tinalakay

Cauayan City, Isabela – Kasalukuyang isinasagawa ang dalawang araw na seminar may kaugnayan sa kaligtasan at proteksiyon ng mga mamamahayag laban sa karahasan at panliligalig.

Ginaganap ito sa Hotel Sofia sa Barangay San Fermin, Lungsod ng Cauayan, Isabela.

Ang seminar ay sa pangunguna ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) na inisponsoran ng United Nation’s Educational Scientific and Cultural Organization (UNESCO).


Dinadaluhan ito ng mga ibat-ibang kasapi ng media mula sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya kasama na rito ang Radio Mindanao Network-Cauayan.

Sumentro ang mga paksa ng seminar sa temang: “Basic Media Safety Training: Promoting the UN Plan of Action for Safety of Journalists and the Issue of Impunity Through Documentation and Promoting Best Practices”

Kasama sa mga presentasyon sa seminar ay ang kalagayan ng mga mamamahayag bilang pinaka delikadong propesyon ayon sa UN at ang datos noong 2017 na ang Pilipinas ay pangatlo sa buong mundo sa bilang ng mga pinatay na kasapi ng media kasunod sa Syria at Iraq na dumaranas ngayon ng giyera sibil.

Magugunitang noong Nobyembre 23, 2009 ay nangyari ang Ampatuan Massacre kung saan ay walang kaawa-awang pinatay ang 58 katao kabilang dito ang 34 na mga mamamahayag at tinangka pang ibaon ang mga ito sa pamamagitan ng backhoe na Pagmamay-ari mismo ng Maguindanao Provincial Government ng mga armadong goons ng Ampatuan political dynasty.

Ang Ampatuan o Maguindanao Massacre ang nakatala na pinakamalalang atake laban sa media sa kasaysayan at sa buong mundo.

Pinangunahan ni NUJP Chairman Attorney Jo Clemente ang dalawang araw na seminar na ito ngayong Marso 3 at 4, 2018.

Kasama din sa pangkat ng NUJP na nagsasagawa ng seminar ay sina NUJP Director Melvin Gascon at Raymun Villanueva, NUJP Secretary General Dabet Panelo at NUJP Staff Joana Ballaran.

Facebook Comments