Naka ready at set na ang pitumpung (70) siklistang nakapagrehistro para sa isang bike race sa bayan ng Mapandan – ang Kalumbaan na Siklista 2026.
Ang 4th Annual Mayor’s Cup Mountain Bike Race na taunang bahagi ng Mapandan Festival ay aarangkada na ngayong araw ng Sabado, March 14, 2026 ganap na alas nuebe ng umaga.
Magsisimula ang karera sa Municipal Hall ng Mapandan , na magsisilbi ring finish line matapos ikutin ng mga kalahok ang bayan ng Sta. Barbara pabalik sa naturang bayan.
Kapanapanabik ang naturang karera dahil dadaluhan ito ng mga professional cyclist na sina El Joshua Cariño na siyang kampeon sa La Tour De Filipinas 2018 at Bronze Medalist sa 30th Sea Games Cycling at ng Ronda Pilipinas 2018 Champion, at 2023 Cambodia South East Asian Games Double Medalist na si Ronald Oranza.
Cash prizes, trophies, at iba pa, ang naghihintay sa tatanghaling Top 20 racers samantalang may special awards naman ang Top 5 na siklistang residente ng Mapandan.
Ang Annual Mayor’s Cup Mountain Bike Race ay bahagi ng kampanya upang isulong ang pagtangkilik sa naturang sports at itaas ang moral ng mga lokal na siklista sa Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






