
Tututukan ang kalusugan ng mga kababaihan at mga bata sa Dagupan City sa planong pagtatayo ng Maternal and Children’s Hospital matapos lagdaan ang mga kasunduan para sa pagpapatupad ng proyekto.
Nilagdaan noong Marso 12 ang ilang kasunduan sa pagitan ng lokal na pamahalaan, Department of Health, PhilHealth, at Region 1 Medical Center upang isulong ang pagtatayo ng naturang ospital na nakatuon sa serbisyong pangkalusugan para sa mga ina at mga bata.
Kabilang sa mga nilagdaan ang Memorandum of Agreement para sa pagtatayo ng Dagupan City Maternal and Children’s Hospital, gayundin ang kasunduan para sa Phase 2 construction ng Malued Super Family Health Center.
Ni-renew din ang kasunduan sa Region 1 Medical Center bilang Apex Hospital partner at ang telemedicine services agreement upang mapalawak ang access ng mga residente sa serbisyong medikal at konsultasyon.
Nilagdaan din ang tripartite agreement ng Department of Health, PhilHealth, at pamahalaang lungsod para sa integrasyon ng Universal Health Care Local Health System Maturity Framework.
Ayon sa pamahalaang lungsod, inaasahang magsisilbing mahalagang pasilidad ang planong ospital upang mapalakas ang serbisyong pangkalusugan para sa mga pamilya sa Dagupan City, lalo na para sa mga ina at mga bata. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










