Itinalaga naman bilang legislative caretaker ng unang distrito ng Zamboanga del Norte si House Majority Leader at Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe.
Si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang naghain ng mosyon para italaga si Dalipe na kinatawan ng Zamboanga del Norte na inaprubahan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez matapos na walang tumutol.
Magugunitang July 21 nang ibaba ng Korte Suprema ang status quo ante order kaya hindi naka-upo si Romeo Jalosjos Jr., bilang kinatawan ng Zamboanga del Norte.
Bunsod ito ng petisyon ng nakalaban ni Jalosjos na si Roberto “Pinpin” Uy Jr.
Ayon sa resulta ng halalan, nakakuha si Uy ng 69,591 boto samantalang si Jalosjos ay may 69,109 boto.
Subalit nagdesisyon ang COMELEC na ibigay kay Jalosjos ang 5,424 boto ni Frederico Jalosjos na idineklarang nuisance candidate.