Dumipensa ngayon ang kampo ni dating Vice President Leni Robredo sa nasilip ng Commission on Audit (COA) kaugnay sa pagkuha nito ng private lawyers para sa kaniyang opisina.
Sa isang statement, sinabi ni Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo na hindi ginamit sa pribadong serbisyo ang kinuha na mga abogado.
Idinagdag lamang aniya sila sa legal team ng Office of the Vice President (OVP) upang lumikha ng mga bagong polisiya.
Nilinaw na nila ito sa COA sa pamamagitan ng kanilang apela noong May 27, 2022 at sila naman ay pinayagan ng Komisyon sa sulat nito noong June 29, 2022, isang araw bago bumaba sa pwesto si Robredo.
Matatawag din na disallowance ang nagamit na pondo kung ito ay may masamang balak, malisyoso at kapabayaan sa paggamit ng pondo.
Nauna dito, sumulat din noon ang opisina ng dating bise presidente sa Office of the President upang ipagpaalam ang paglalagay ng core group sa OVP bilang mga policy advisers subalit walang sagot dito si dating Pang. Rodrigo Duterte.