Kampo ni Kitty Duterte, naghain ng petisyon para mapauwi ng bansa ang amang si FPRRD

Naghain ng urgent motion sa Korte Suprema ang kampo ni Veronica “Kitty” Duterte na anak ng dating Pangulong Rodrigo Duterte para hilingin na agad resolbahin ang consolidated na petition for habeas corpus.

Ito ay kaugnay sa pag-aresto sa dating pangulo at pagbibigay ng kustodiya sa kaniya sa International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong crimes against humanity.

Ayon sa Panelo Law Office, kailangan ang mabilis na aksyon ng Korte Suprema upang maiwasan ang posibleng paglala ng kalusugan ng dating Pangulo o anumang “hindi marangal na pagkamatay” habang nasa kustodiya ng mga dayuhan.

Hiniling ng Panelo Law Office na panagutin ang mga responsable sa umano’y illegal abduction at pagsuko sa ICC, at maiwasan ang karagdagang paglabag sa karapatan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na napapabalitang may arrest warrant na rin.

Bukod sa pagresolba sa kaso, hinihiling din nila na iutos ng Korte Suprema sa gobyerno ang agarang repatriation ng dating Pangulo.

Inihalimbawa ng petitioners ang naging repatriation kay dating Congressman Arnolfo Teves Jr., na patunay daw na kaya ng estado na isagawa ito kahit may posibleng pagtutol mula sa ICC.

Facebook Comments