Kapakanan ng mga OFW, nanatiling prayoridad ng Marcos administration

Bilang bahagi ng pagtutok ng Marcos administration sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW), ngayong taon ay mahigit 7,000 mga OFW ang natulungang makabalik sa bansa.

Ito ay sa pamamagitan ng repatriations efforts ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs.

Ayon sa Office of the Press Secretary na batay sa iprinisentang accomplishment report ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Malakanyang, nakapagtala ang Department of Foreign Affairs ng 57.67 percent na bilang mga distressed OFW mula sa Middle East, 924 mula sa Kuwait, at 70 ay mula sa Sri Lanka.


Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magiging mas mahigpit ang ugnayan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at DMW para mapaganda pa ang serbisyo upang matulungan ang mga Overseas Filipino.

Sa mga biyahe ng pangulo sa ibang bansa, palagi nitong inilalarawan ang mga OFW na pride ng Pilipinas na nagbibigay ng dangal sa Pilipinas.

Kinikilala rin ng pangulo ang mahalagang kontribusyon ng mga OFW noong kasagsagan ng pagbagsak ng ekonomiya dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Samantala, sa ngayon mayroon ng 3,589,620 passports ang na-i-deliver ng consular services ng DFA, ito ay mula Enero hanggang Oktubre nang kasalukuyang taon.

Nagbukas din ang DFA ng anim pang temporary off-site passport services facilities para ma-accommodate ang mga kumukuha at nagre-renew ng passport.

Hanggang nitong Nobyembre naman ngayong taon, nakapag-isyu ang DFA ng 55,574 visa at 551,635 Apostille certificates.

Facebook Comments