Dismayado si Roy Mabasa matapos hindi banggitin ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., sa ginanap na President’s Night ang tungkol sa pagkamatay ng kanyang kapatid na si Percival Mabasa o “Percy Lapid.”
Aniya, magandang pagkakataon na sana ang nasabing pagtitipon para maghayag ang pangulo ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga mamamahayag.
Ang nasabing pagtitipon ay inorganisa ng Manila Overseas Press Club (MOPC) na dinaluhan ng mahigit 400 na mamamahayag mula sa mga nangungunang kompanya ng media.
Si Percival Mabasa ang ikalawang mamamahayag na napaslang sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Nabaril si Mabasa ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek noong Lunes malapit sa isang subdivision sa Las Piñas City.
Kaugnay nito, bumuo na ng special task group ang Philippine National Police (PNP) para imbestigahan ang nasabing krimen.
Samantala, nakatakdang ilibing si Mabasa sa darating na Linggo, sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.