Isinulong ni Presidential Aspirant Senador Panfilo “Ping” Lacson ang pagdaragdag ng pasilidad at mga guro sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ito ni Lacson matapos niyang malaman ang kalagayan ng mga estudyante sa lugar na kaniyang binisita kamakailan.
Nabatid ni Lacson na iisa lamang ang elementary school sa Pag-asa Island at dalawa lamang ang guro para sa 34 na estudyante na kakaunti lamang ang pag-asa na makatuntong ng high school.
Sabi ni Lacson, ang pinakamalapit na high school ay nasa Puerto Princesa City sa Palawan pa, at aabutin ng higit isang araw para mapuntahan.
Sa budget deliberations ng Senado ay inimungkahi ni Lacson na magtayo ang gobyerno sa Isla ng isang high school building o lagyan ng high school facilities sa kasalukuyang building at magdagdag ng isang multigrade teacher na maaaring magturo mula kindergarten hanggang high school.
Siniguro rin ni Lacson na mabibigyan ng Department of Education (DepEd) ng Special Hardship Allowance (SHA) ang dalawang guro sa Pag-asa Island, na maaaring kunin mula sa badyet ng Last Mile Schools program.
Dahil hindi pinapayagan ng DepEd circular ang isang guro na makatanggap ng SHA para sa dalawang kategorya, iginiit ni Lacson na ang mga guro sa isla ay nakakatanggap lamang ng isang hardship allowance kada taon.
Samantala, ngayong araw ay magpapatuloy ang aktibong partidipasyon ni Lacson sa budget deliberations ng Senado sa mahigit limang trilyong piso na panukalang pambansang budget sa susunod na taon.