Sa ating panayam kay PMaj Esem Galiza, Deputy Chief of Police ng PNP Cauayan City, mayroon na aniya silang sinusundang gabay at tinitignang anggulo sa sinapit ni Salgado.
Isa na rito ang umano’y nakawan na kinasasangkutan nito na inireklamo sa kanilang barangay.
Bukod dito ay inaalam din ng pulisya kung mayroon pang kasamahan o grupo si Salgado na nagsasagawa noon ng pagnanakaw sa Lungsod. Una nang inihayag ng live-in partner na isang mabait na ama si Salgado at nagbagong buhay na rin umano ito simula nang sila ay naging magkasintahan.
Matatandaan nitong araw ng Sabado ay dinukot si Salgado sa Villarta St at kinaumagahan, araw ng Linggo ay natagpuan na lamang ang kanyang bangkay sa isang lote na sakop ng brgy. Cabaruan na tadtad sa saksak, may laslas sa leeg at binugbog ang mukha.
Samantala, Umaapela naman ang PNP Cauayan City sa City government na asikasuhin na ang pagbuhay sa mga nasirang street lights lalo na sa mga kanto sa Poblacion area upang maiwasan ang mga naturang insidente at nang makatulong rin sa imbestigasyon ng pulisya.
Maging ang pagkakabit ng mga CCTV Camera sa mga kanto at establisyemento ay ipinanawagan din ng PNP para sa agarang pag-iimbestiga ng pulisya sakaling makapagtala ng hindi inaasahang pangyayari.