Nakitaan ng sintomas ng Anthrax ang mga ito gaya ng kawalang ganang kumain, pagiging matamlay at hirap gumalaw, hematuria o pagkakaroon ng dugo sa ihi at biglaang pagkamatay.
Nito lamang Disyembre 16, 2022, nakumpirma na nagpositibo ang apat na kalabaw pero ang dalawa ay nakatay pa at naibenta ng mga may ari na umabot pa sa Annafatan, Amulung, Cagayan.
Sa tala ng DOH, nasa pitumpu’t tatlo (73) katao sa Brgy. Calasitan ang na-exposed sa sakit at dalawampu’t dalawa (22) ang may cutaneous lesions o sugat sa balat.
Sumasailalim na sila ngayon sa masusing isolation o observation.
Nasa animnapu (60) naman ang naexposed o infected sa karne sa Brgy. Annafatan at patuloy na inoobserbahan maging ang mga hindi nakitaan ng sintomas.
Ayon kay Dr. Manuel Galang Jr., ang Veterenarian III ng DA Region 2, mapanganib itong sakit na Anthrax na dulot ng isang uri ng bacteria na nabubuo mula sa isang spore na tinatawag na “Bacillus anthracis.”
Kabilang sa maaaring mahawa ang mga kalabaw, baka, kambing, tupa, kabayo, baboy,aso , pusa at iba pang hayop.
Maaaring mailipat ang impeksyon na dulot ng Anthrax sa tao sa pamamagitan ng cutaneous contact o sa pagkain, o sa paghinga.
Ilan sa mga sintomas sa tao ay paltos o bukol na nangangati; skinsore sa muka, sa leeg, braso, at mga kamay; lagnat, panginginig; sakit sa ulo at katawan, sore throat, pamamaga ng leeg, pananakit ng tiyan, pagsusuka.
Maiiwasan ang sintomas sa pamamagitan ng bakuna at agarang pag dispose ng katawan ng mga hayop na namatay sa pamamagitan ng pagsunog at paglilibing.
Maaari namang magamot ang sakit sa pamamagitan ng medical intervention at paggamit ng antibiotic.