Cauayan City, Isabela- Dumarami ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Governor Carlos Padilla sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Inamin ng Gobernador na lalong dumami ang tinamaan ng COVID-19 sa kanyang Lalawigan at karamihan sa mga ito ay taga bayan ng Solano at Bayombong.
Base sa pinakahuling datos ng DOH 2, mayroon nang 71 na kabuuang kaso ng COVID-19 ang naitala ng Nueva Vizcaya kung saan may 34 ang nakarekober at 4 na nasawi.
Kinumpirma rin nito na mayroon nang naitalang local transmission lalo na sa bayan ng Solano kung saan may apat (4) na barangay ang natukoy na grabe ang sitwasyon dahil sa mataas na kaso sa COVID-19.
Nananawagan naman ang Gobernador sa mga law enforcers na lalong higpitan ang implimentasyon sa mga protocols at hiniling din nito sa mamamayan na sundin ang mga ito gaya ng pag-iwas sa pagdalo sa anumang pagtitipon at magkaroon ng disiplina sa sarili upang makaiwas sa nasabing sakit.
May sapat naman aniyang magsasagawa ng contact tracing na itinalaga ng DOH 2 subalit kung magpapatuloy pa rin ang paglaganap ng pandemya ay posibleng maapektuhan na ang kanilang manpower na babalikat sa nasabing contact tracing.
Naghahanda na rin ang provincial government sa paglalaan ng pondo sakaling isailalim sa lockdown ang buong probinsya bunsod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Nakatakda namang magpulong ngayong araw ang provincial task force sa kanilang mga plano at hakbang ngayong nagpapatuloy ang pagdami ng tinatamaan ng COVID-19 sa Lalawigan.