
Nagbabala ang Office of the Ombudsman sa mga opisyal at empleyado ng pamahalaan laban sa paggamit ng kanilang posisyon at tanggapan sa panghihingi ng donasyon para sa Christmas party at iba pang hindi awtorisadong aktibidad.
Ito’y matapos patawan ng anim na buwan at isang araw na suspensyon nang walang sahod si Barangay Sta. Cruz, Makati City Secretary Bayani Olegario dahil sa Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.
Lumalabas sa imbestigasyon na noong Disyembre 2025, nagpadala si Olegario ng mga solicitation letter na may opisyal na letterhead ng barangay upang humingi ng pera o anumang donasyon para sa Christmas party ng mga opisyal at kawani nito.
Binigyang-diin ng Ombudsman na hindi katwiran ang pagdaraos ng Christmas party para gamitin ang awtoridad ng kanilang tanggapan sa panghihingi ng donasyon, dahil maaari itong makasira sa integridad at tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Sakaling wala na sa serbisyo si Olegario, papalitan ang suspensyon ng multang katumbas ng kaniyang sahod sa loob ng anim na buwan at isang araw.










