Dalawang kasunduan ang inaasahang mapipirmahan sa state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Singapore.
Sa pre-departure briefing, sinabi ni DFA Spokesperson Assistant Secretary Teresita Daza na isa sa inaayos ay ang pagtatalaga ng isang team ng Pilipinas sa regional Counter Terrorism Information Facility o CTIF.
Lalagdaan ito ng Armed Forces of the Philippines at Singapore Armed Forces.
Ang CTIF ay isang multi-lateral platform para sa monitoring, research at analysis ng terrorist activities.
Kapag nagnapadala ng kinatawan ang Pilipinas sa CITF bilang Philippine officer, maaari nang magbahagi ang bansa ng mga karanasan at expertise sa pagtugon at paglaban sa terorismo.
Kasabay nito ay maaari rin aniyang makapangalap ang bansa ng mahahalagang intelligence information mula sa ibang mga bansa at palawakin ang ating defense network.
Isa pa sa inaasahang malalagdaan sa Singapore ay ang isang memorandum of understanding hinggil sa kooperasyon sa personal data protection.
Pipirmahan ito ng National Privacy Commission o NPC at ng Personal Data Protection Commission (PDPC) ng Singapore.
Sa ilalim ng MOU, palalakasin ang digitalization efforts ng dalawang bansa sa pamamagitan ng palitan o cross-border data flows at magtutulungan para protektahan ang data privacy ng isa’t isa at kanilang kapwa mamamayan.