Cauayan City, Isabela- Ikinalungkot ng Lokal na Pamahalaan ng Angadanan ang pagkakaroon ng kauna-unahang kumpirmadong kaso ng corona virus sa bayan.
Ayon sa pahayag ni Municipal Mayor Joelle Mathea Panganiban, isasailalim sa ‘total lockdown’ ang Barangay San Vicente kung saan nakatira ang nagpositibong OFW na isang 41-anyos na nagtrabaho mula sa bansang Abu Dhabi.
Aniya, hindi kinakailangan na magkaroon ng pangamba ang publiko basta sundin lamang ang ipinapatupad na health protocols para maiwasan ang pagkalat ng nasabing sakit.
Paliwanag ng alkalde, dumating ang OFW nitong Abril 18 sa Pilipinas mula sa Abu Dhabi at agad na sumailalim sa 14 days quarantine at nakuhanan ng PCR Test nitong Mayo 31 hanggang sa lumabas ang resulta ng Hunyo 2 na negative.
Pagkalipas nito, nabigyan ng sertipikasyon ang OFW na nagsasabing maaari na itong makauwi sa Probinsya dahil sa naunang negatibong resulta.
Kabilang ang pasyente na napasailalim sa programa ng OWWA na sumakay sa bus paalis ng kalakhang maynila noong Hunyo 5 at dumating sa bayan kinabukasan.
Hunyo 13, muling isinailalim sa PCR Test ang pasyente hanggang sa lumabas ang resulta ngayong araw na nagpositibo ang OFW.
Nakatakdang i-admit sa Southern Isabela Medical Center ang pasyente para tuloy-tuloy ang pagmonitor dito.
Tiniyak naman ng alkalde na tutugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga residente sa nasabing barangay habang umiiral ang lockdown