
Aminado si Employers Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio Ortis-Luis Jr. na ang mahinang aksyon ng pamahalaan sa pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa ang dahilan ng problema ngayon sa bansa.
Sa Kapihan sa Manila Prince Hotel, sinabi ni Ortiz-Luis na may stock pa naman kasi sa mas murang halaga ang oil companies kung kaya’t nakakagulat na lamang ang bigla nilang pagtaas sa presyo ng kanilang mga produkto.
Ito’y ilang araw pa lamang nang magsimula ang kaguluhan sa Middle East.
Dahil dito, naobliga ang pamahalaan na gumastos ng bilyun-bilyong piso para ipang-ayuda sa iilang sektor partikular sa transportasyon.
Giit pa ni Ortiz-Luis, ngayon naman na nagkaroon ng pagbaba ng presyo ng langis sa world market ay mas mababa ang kuwenta at nais ipatupad ng mga kumpanya ng langis na rollback.
Pabor naman si Ortiz-Luis sa mga ginagawang hakbang ng Department of Energy (DOE) partikular ang tinatawag na unbundling para malaman ang mga gastos ng mga oil companies.
Bunsod dito, sinabi pa ng presidente ng ECOP na dahil sa nangyayari lubos na naaapektuhan ang nasa micro enterprises o malliit na negosyo dahil hindi na nila kinakaya pa ang sitwasyon.
Aniya, hindi sapat ang mga programa at plano ng pamahalaan dahil ito ay pansamatala lamang at hindi pangmatagalan.










