Manila, Philippines – Kinontra ni Senator Francis Chiz Escudero ang mga opinyon na pwedeng daanin sa pagpasa ng batas ang pagsuspende sa 2019 senatorial at local elections.
Giit ni Escudero, maisasakatuparan lamang ito kung aamyendahan ang probisyon sa saligang batas na nagtatakda ng local elections kada tatlong taon habang kada anim na taon naman para sa paghalal ng 12 mga Senador, Pangulo at ikalawang Pangulo.
Ayon kay Escudero, walang kapangyarihan ang kongreso na ipagpaliban ang halalan sa pamamagitan ng lehislasyon para mabigyan ng panahon ang Charter change na magpapalit sa porma ng gobyerno patungong Federalism.
Paliwanag pa ni Escudero, tanging Barangay elections lamang ang pinapahintulutan ng saligang batas na pwedeng ipagpaliban sa pamamagitan ng pagpasa ng batas.