KKDAT-ILAGAN MEMBERS, NAMAYAGPAG SA ISANG NATIONAL COMPETITION

Itinanghal bilang 3rd Place sa Spoken Poetry ang dalawang Ilagueños na miyembro ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) City of Ilagan Chapter sa Sining Bayanihan National Competition nitong Biyernes, ika-30 ng Setyembre taong kasalukuyan sa SM Novaliches, Quezon City, Philippines.

Ang dalawang Ilagueños ay pawang mga estudyante sa kolehiyo na sina Jomild Balao mula sa Isabela State University–Ilagan Campus at Terry Cabrera mula naman sa Isabela State University–Echague Campus.

Ayon sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Richard Mata, KKDAT City of Ilagan Chapter Adviser, maliban dito ay naging National Qualifier rin ang original music composition ng KKDAT City of Ilagan Chapter na may titulong “Kabataang Pangarap ni Rizal”.

Lubos naman ang pasasalamat ng KKDAT City of Ilagan Chapter sa buong pagsuporta na ibinibigay ng LGU Ilagan sa pamumuno ni Mayor Jay Diaz at PNP Ilagan sa pamumuno ni PLtCol Benjamin Balais.

Samantala, ang nabanggit na kompetisyon ay bahagi ng Hiraya Festival na isang uri ng Music Festival na layuning ipakita ang pagkakaisa at pag-asa sa lahat ng kabataan sa buong bansa.

Facebook Comments