Komunismo ay Labanan, Iwaksi at Wakasan, Tema ng Patimpalak ng IPPO

Nagsagawa ang Isabela PPO ng slogan at poster making contest kaugnay sa kanilang kampanya ng pagsugpo ng komunismo sa bansa..

Ang aktibidad na pangalawa nang idinadaos ng naturang tanggapan ay dinaluhan at sinalihan ng mga kabataan mula sa Senior HS ng mga napiling eskwelahan sa lahat ng munisipalidad ng Isabela upang ipakita ang kanilang suporta sa mga programa ng Isabela PPO na pinamumunuan ni IPPO Provincial Director PCol Mariano Rodriguez.

Ang patimpalak ay may temang “Sugpuin ang K.A.L.I.WA (Komunismo Ay Labanan, Iwaksi at Wakasan) ” na hango sa kampanya ng PNP laban sa mga komunista.


Ang programa ay nagsimula sa ganap na ika-siyam ng umaga ng Augusto 22, 2019 kaalinsabay sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika kung kaya’t ang gamit sa patimpalak ay Wikang Filipino.

Dumalo bilang mga hurado sina Atty. Ma. Cristina Dela Rosa ang Provincial Prosecutor ng Isabela, PLtCol Josefina C Osias ang Deputy Chief, RID PRO2, Ginoong Inocencio T. Balag ang Education Supervisor ng DepEd Isabela, Kgg. Dax Paulo C. Binag ang SK Federation President ng Isabela at si Bb. Christi Anna F. Cielo ang LGOO-DILG Isabela.

Naganap ang pagpili sa Slogan Contest pagkatapos ng isang oras ng pagsulat at dalawang oras ng pagguhit at pagkulay para sa Poster Making Contest. Isang maikling programa ang ginanap sa pagtatapos ng aktibidad at dito ginanap ang pag anunsyo sa mga nawaging kalahok mula sa slogan at poster making contest.

Nanguna sa Slogan ang kalahok mula sa Gamu at pumangalawa ang Mallig at sinundan ng Delfin Albano. Samantala, sa poster making, nanguna naman ang kalahok ng Reina Mercedes sumunod ang Quezon at Delfin Albano. Ang lahat ng nagwagi ay tumanggap ng cash prize, medal at certificate mula sa Isabela PPO.

Ang naturang patimpalak ay hango sa mungkahi ni PD Rodriguez na pasimulan ang kampanya laban sa komunismo na siya ngaung mainit na issue sa ating lipunan at naaayon rin sa Executive Order No. 70-2018 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Disyembre 4, 2018.

Ang pangunahing layunin ng patimpalak na ito ay hilingin ang pakikilahok ng kabataan upang maipakita sa sambayanan ang kanilang pananaw laban sa komunismo at terorismo gayun din ang pag-angat ng kanilang kamalayan sa pagtaguyod ng minimithing pangmatagalang kapayapaan ng bansa.

Facebook Comments