Humihingi ngayon ng tulong si BHW Party-list Representative Angelica Natasha Co sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor na tutukan din ang kapakanan ng mga Barangay Health Workers (BHWs) sa gitna narin ng banta ng COVID- 19 sa bansa.
Ayon kay Co, labis na nangangailangan ngayon ng face masks, gloves, alcohol, vitamins at iba pang Personal Protective Equipment (PPE) ang mga BHWs na nakabantay ngayon sa mga barangay at local health centers.
Apela ni Co, kailangan ngayon ng suporta ng mga bayaning maaasahan lalo na at may umiiral na national health emergency kung saan ang mga barangay workforce ang inatasan ng Pangulo na pamahalaan ang kapakanan ng taumbayan.
Sa pagtaya ng kongresista, nasa 150,000- 180,000 ang mga BHWs sa Luzon habang nasa 20, 000 naman ang nandito sa National Capital Region na sakop ngayon ng enhanced community quarantine laban sa COVID- 19.
Sa huli, giit ni Co na hindi kaya ng iisang party-list na suportahan ang pangangailangan ng mga BHWs sa buong bansa kaya kailangan nang tulong mula sa lahat ng sektor.