Baguio, Philippines – Sa Public Consultation and Presentation of Master Development Plan para sa multi-level parking project at community mall noong April 1, 2018 sa City Hall, ipinakita ni Architect Rafael Chan ng RCG&A ang kanilang project proposal na nagkakahalaga ng estimated Php 740 million.
Kasama sa budget na ito ang apat na palapag na community mall at ang multi level parking lot nito. Layunin umano nito na i-pedestrianize ang burnham park. Iginiit din ni Chan na walang gagastusin ang Local na pamahalaan ng Baguio dahil mga pribadong sektor at investors ang gagastos sa proyetong ito. Ayon sa ordinansang ipinasa ni Councilor Ed Avila noong 2017, ang lote sa tabi ng Baguio City National High School (BCNHS), o mas kilala bilang Baguio Auditorium ang site na papatayuan ng nasabing proyekto.
Samantala ay binigyan din ng pagkakataon si Architect Robert Romero, project head ng University of the Cordilleras Burnham Park Design Team na ipakita ang Master Development Plan na ginawa nila noong 2010. Iginiit din niyang walang inilaang puwang para sa commercial buildings ang kanilang disenyo dahil ayon sa kanya ay nais nilang iwasan ang commercialization ng park. Ang Master Develpment Plan na ito ay ibinigay na donasyon sa City of Baguio.
Ayon naman kay former city Architect Jodi Alabanza na siyang representative ng Pine Cone Movement, ang park umano ay para sa mga tao lamang at ang pagpapatayo ng commercial establishments doon ay hindi na tumutugma sa totoong layunin ng park.
Ang susunod na konsultasyon ay sa May 22, 2018 at ito ay bukas sa publiko.
Ikaw iDOL, payag ka bang magpatayo ng community mall at multi level parking area sa Burnham?