Pinapaimbestigahan ni Senator Raffy Tulfo sa Senate Blue Ribbon Committee ang isiniwalat nitong korapsyon sa National Irrigation Administration (NIA).
Ayon kay Tulfo, mula 2017 hanggang 2022 ay aabot sa P121 billion ang pondo ng NIA para sa irrigation development at restoration.
Inisa-isa ni Tulfo ang mga proyekto ng NIA sa nakalipas na limang taon na karamihan ay hindi tapos, substandard ang mga gamit na materyales at sabit pa sa anomalya.
Tinukoy rin ng senador ang mga ‘ghost projects’ na karamihan ay nasa Mindanao na aabot sa P890 million na pinondohan pero hindi naman naumpisahan.
Direktang pinangalanan ni Tulfo si Deputy Administrator C’zar Sulaik na nag-apruba sa karamihan ng 28 proyekto ng NIA sa Mindanao na kung hindi substandard ang gawa, ilang bahagi ay hindi ginawa o inilipat ang proyekto mula sa orihinal na target area.
Ibinulgar rin ng mambabatas ang pangalan ng apat na contractors na aniya’y mistulang binibigyan ng pabor ng NIA at kahit pa aniya nasa ‘blacklist’ ang mga ito ng ahensya ay nagpapalit lamang ng pangalan at sa mga ito pa rin igagawad ang mga proyekto.
Nagpahayag naman ng suporta si Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senate Minority Leader Koko Pimentel na mabusisi ng Blue Ribbon Committee ang ini-report ni Tulfo na mga katiwalian sa NIA.