Cauayan City, Isabela – Ipapasuri na sa mga eksperto ang mga nakuhang CCTV footages sa naganap na pamamaril sa isang pulis kamakailan sa District 3, Sipat Street Cauayan City.
Sa panayam ng RMN News Cauayan kay PCR/PSI Esem Galiza, kanyang ibinahagi na nakakuha na umano ang mga pulis ng kopya ng CCTV na malapit sa pinangyarihan ng krimen subalit kinakailangan pa itong sumailalim sa enhancement upang maging malinaw ang detalye ng pangyayari lalo pa’t mahirap matukoy ang mga suspek dahil nakasuot ang mga ito ng helmet.
Ayon kay Senior Inspector Galiza, isa sa tinututukan nilang anggulo ngayon at posibleng dahilan ng nasabing pamamaril ay may kinalaman umano sa trabaho ng biktima bilang pulis.
Bago umano maitalaga sa bayan ng Luna si SPO1 Argonza ay nagsilbi ito bilang intelligence operative dito sa lungsod ng Cauayan na malaki umano ang tsansa na may nasagasaaan ito habang ginagawa ang kanyang tungkulin.
Dagdag pa ni Galiza, binuo na rin ang Special Investigation Task Group Argonza na kinabibilangan ng CIDG, Provincial Legal Office, PNP Crime Lab, Provincial Investigation Detection Management Division, kasama ang PNP Cauayan, na siyang tututok sa paglutas sa nasabing kaso.