Makato, Aklan— Balik kulungan ang sinasabing prime suspek sa pagpatay sa isang barangay kagawad sa bayan ng Makato noong nakaraang taon matapos mahulihan ito ng baril sa Brgy. Agbalogo kahapon. Sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act ang suspek na si Richard Ortiz alyas “Gondo” 36 anyos sa Aklan Prosecutors office kaninang umaga. Ayon sa Makato PNP, na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa ilang concerned citizen sa lugar na may dala umanong baril si alyas Gondo dakong alas 4:00 ng hapon kahapon. Sa pagresponde ng mga otoridad, agad na nakita ang handle ng baril na nakalagay sa sling bag ng suspek dahilan para mahuli ito. Narecover mula kay Ortiz ang isang .38 Cal na revolver at loaded ng limang mga bala. Nang tanungin kung bakit may dala itong baril ay tumahimik lamang ito ngunit inaming walang kaukulang lisensiya ang kanyang armas. Kinumpirma ng Makato PNP na nakulong na ang suspek sa BJMP dahil prime suspek di umano ito sa pagpaslang kay Brgy. Tibiawan Kagawad Silverio Puod noong nakaraang taon, ngunit makaraan ang ilang pagdinig ay pinalaya ito matapos mag execute ng affidavit of desistance ang panig ng biktima. Sa ngayon nakakulong sa Makato Police Station ang suspek habang hinihintay pa ang impormasyon mula sa piskalya kung magkano ang magiging pyansa nito para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Laborer na dating prime suspek sa pagpatay sa isang barangay kagawad sa Makato, arestado matapos mahulihan ng baril
Facebook Comments