*Cauayan City, Isabela*- Ipinasakamay na sa Cauayan District Jail ang isang magsasaka matapos isilbi ng mga awtoridad ang mandamiento de aresto nito kaninang umaga sa Brgy. La Suerte, Angadanan, Isabela.
Kinilala ang akusado na si Ernesto Dumlao, 52 anyos, may asawa at residente sa nasabing lugar.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMSg. Orlando Clemente, Imbestigador ng PNP Angadanan, lumalabas sa imbestigasyon na hinabol ng suspek ang isang barangay kagawad na si Jomac Apolonio ng nasabing barangay gamit ang kanyang sariling tabas matapos lamang na pumagitna sa away nilang mag-ama at nalaman ng biktima na mismong ang suspek ang pinagmulan ng away nila na maswerte namang nakailag sa pananabas nito.
Ipinalabas naman ang warrant of arrest ni kagalang-galang hukom Meliton Galia, 8th MCTC Angadanan sa kasong Direct Assault with Attempted Homicide sa ilalim ng criminal case no. 19-50 na may petsang Nobyembre 11, 2019.
Inirekomenda naman ng korte ang pansamantalang kalayaan nito kung makakapagpiyansa sa halagang (P36,000.00).