Arestado ang isang kwarentay dos anyos na lalaki matapos umanong magnakaw ng aircon sa isang bahay sa Binmaley, Pangasinan kahapon, Nobyembre 11.
Ayon sa imbestigasyon, nadiskubre ng saisenta y kwatro anyos na ginang, residente ng bayan, bandang alas-6:40 ng gabi, na nawawala ang aircon na pag-aari ng kanyang anak sa nasabing lugar.
Ang naturang aircon ay tinatayang nagkakahalaga ng ₱16,000.00.
Agad niyang ipinaalam ito sa kanyang anak at nagtungo sila sa barangay upang humingi ng tulong sa paghahanap ng nawawalang ari-arian.
Sa kanilang pagharap sa suspek, na residente rin ng Binmaley, natagpuan nila ang nawawalang aircon sa kanyang kustodiya.
Dahil dito, humingi ng tulong ang mga biktima sa awtoridad upang ipa-aresto ang suspek.
Kasalukuyan namang nasa himpilan ng pulisya ang suspek at ang narekober na kagamitan para sa dokumentasyon at tamang disposisyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









