Lalaki, Arestado sa Pagpupuslit ng Narra at Furnitures!

Cauayan City, Isabela- Dinakip ng kapulisan ang isang lalaki matapos ma-checkpoint sa pagpupuslit ng mga Narra at furnitures sa kahabaan ng Brgy. Magsaysay, Naguilian, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Garry Macadangdang, hepe ng PNP Naguilian, tinangka pang umiwas sa kanilang checkpoint ang suspek at drayber ng Isuzu elf truck na may plakang PJM 841 na kinilalang si Anthony Laddaran, 37 taong gulang, may-asawa, at residente ng Brgy. Binatug, San Mariano, Isabela.

Una rito, habang nagmomonitor ang kapulisan ay namataan ang Elf Truck na may mga kargang furniture kaya’t agad itong pinahinto subalit umiwas ang suspek at agad na pumasok sa Poblacion ng nasabing bayan.


Dahil dito, agad namang inalerto ang iba pang kasamahan na maglatag ng checkpoint sa posibleng dadaanan ng suspek hanggang sa naharang ito sa brgy Magsaysay.

Nang suriin ang sasakyan ng suspek ay nabatid na bukod sa mga kargang furnitures ay mayroon ding mga Narra na nasa ilalim ng mga bagong gawang furniture.

Hiningan ng mga kaukulang dokumento ang suspek subalit bigo itong magprisenta.

Ayon pa kay PMaj. Macadangdang, galing ang Elf truck sa bayan ng San Mariano, Isabela.

Nakatakdang kasuhan ngayong araw ng paglabag sa PD 705 o Illegal Logging ang suspek na kasalukuyang nasa himpilan ng pulisya sa pamamagitan ng inquest proceedings.


Facebook Comments