Lalaki na Umano’y Nakabuntis sa kanyang Stepdaughter, Nagpakamatay

Cauayan City, Isabela-Patay ang isang lalaki matapos magbigti sa kanilang tahanan sa Benito Soliven, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa PNP Benito Soliven, kinilala ang biktima sa alyas na “Caloy’, 33-anyos, isang magsasaka at residente sa nabanggit na barangay.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nagpakamatay umano ang biktima matapos umano nitong gahasain ang kanyang 14-taong gulang na stepdaughter na anim na buwan ng nagdadalang tao.


Una rito, napansin ng kanilang mga kapitbahay na lumalaki ang tiyan ng dalagita kung kaya’t agad naman silang nakipag-ugnayan sa barangay at nakumpirmang buntis ito.

Nabatid na ang misis ng nagpatiwakal na lalaki ay nasa Saudi Arabia at inihabilin nito ang pangangalaga sa dalagita sa nanay ni Caloy ngunit sa kabilang bahay ito natutulog kasama ang dalawa pang kapatid sa ina.

Samantala, noong Oktubre 5 taong kasalukuyan ng kunin sa pangangalaga ni Caloy ang dalagita ng kanyang tiyuhin at binalaan ang biktima na aarestuhin ito ng mga pulis.

Dito na umano hindi lumabas ng bahay ang lalaki hanggang sa matagpuan nalang na nagbigti ito.

Una nang nagpapahiwatig ang lalaki matapos sabihin nitong sabihan ang mga anak na magpakabait at patawarin kapag siya ay nawala na.

Paalala naman ng pulisya na hindi solusyon ang pagpapakamatay para makalimutan ang anumang problema p sitwasyong kinakaharap.

Facebook Comments