Lalaking inasar na may COVID-19, umakyat sa poste ng kuryente

Courtesy Jun Inabangan

MANDALUYONG CITY – Dahil sa pang-aasar ng mga katrabaho niya na dinapuan ito ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), isang construction worker ang umakyat sa poste ng kuryente sa Coronado Street, Barangay Hulo noong Linggo ng hapon.

Apat na oras din nanatili sa tuktok ng poste ang lalaki hanggang sa tuluyang maibaba ng rescue team.

Sa impormasyong nakalap ng imbestigador, lumabas na umalis ang trabahante sa kanilang barracks sa Sta. Ana, Maynila noong Biyernes makaraang biruin ng mga kasamahan na positibo ito sa nakakahawang virus.


Napag-alaman din na lumangoy ang biktima sa Ilog Pasig para makarating sa siyudad.

Nang makaahon sa pampang pasado alas-11:30 ng umaga, umakyat raw ito sa bubong ng isang bahay at lumapit sa katabing poste nito ng kuryente.

Agad naman rumesponde sa lugar ang mga awtoridad at rescue team matapos makatanggap ng ulat mula sa mga residente roon.

Maging si Mayor Menchie Abalos ay nagtungo sa komunidad para kausapin mabuti ang tulirong construction worker.

Ligtas na naibaba ang biktima na nasa pangangalaga ngayon ng kaniyang tiyuhin.

Paalala naman ng isang concerned citizen, dapat maalaman at sensitibo ang publiko sa usapin ng COVID-19 para maiwasan ang diskriminasyon na maaring mauwi sa matinding kapahamakan.

“Kung patuloy pa rin ang ganitong stigma, hindi matatapos ang problemang ito. Pagkakaisa at pagmamahal ang kailangan sa panahon ng pandemic. Tandaan natin, ang kalaban dito ay ang sakit, hindi ang kapwa-Pilipino,” sabi ni Jun Inabangan sa Facebook post niya na umani ng 10,000 reactions.

Facebook Comments