Lalaking nakatambay sa kalsada, patay matapos pagbabarilin sa Pasig

Dead-on-the-spot ang isang 31-anyos na lalaki matapos na pagbabarilin sa kalsada ng N.Cuevas St., Brgy. Kalawaan, Pasig City pasado alas-9 kagabi.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, may lumapit na hindi pa nakikilalang indibidwal sa biktima at kinausap ito.

Ngunit nagpang-abot ang mga ito sa pagtatalo dahilan para bumunot ito ng baril at walang habas na pinagbabaril ang biktima.


Nang mabaril, napa-upo ang biktima sa motorsiklo na hindi nito pagmamay-ari.

Ayon naman sa isang saksi na kapatid ng kaibigan ng suspek, nakarinig siya ng ilang putok ng baril mula sa ibaba ng kanilang bahay.

Nang kaniya namang tignan, nakita niya na lang ang duguan na katawan ng biktima at tumakas papalayo ang suspek.

Sabi naman ng barangay, wala silang alam na nakaalitan ng biktima.

Dagdag pa nila, ngayon lang muli nagkaroon ng ganitong insidente matapos ang ilang taon.

Sa ngayon ay patuloy pa rin na inaalam ng pulisya ang motibo sa krimen at ang salarin sa nangyaring shootout.

Facebook Comments