iFM Laoag – Ipinaabot ni Laoag City Mayor Michael Keon sa kanyang press briefing na ipapatupad ng Pamahalaang Lungsod ang General Community Quarantine (GCQ) sa pamamagitan ng Executive Order mula kay Gobernador Matthew Manotoc ngayong darating na Huwebes, ika-13 ng Mayo ngayong taon.
Binigyang diin ni Keon na sa ilalim ng GCQ, magkakaroon ng kontroladong paggalaw, walang pagtitipon na magaganap, at walang mga aktibidad na paglilibang. Limitado din ang araw ng lamay.
Ang mga barangay na apektado ng COVID-19 sa Lungsod ay pipigilang lumabas sa kanikanilang tahanan. Hanggang sa oras na ito, mayroon nang 44 na mga Barangay ang apektado sa Laoag, at mayroong 180 ang aktibong kaso sa nasabing sakit.
Samantala, ang Laoag City Public Market ay nananatiling lockdown parin matapos ang 10 indibidwal na nagpositibo mula sa 805 na contact-traced-person na sumailalim sa ‘swab test’ nitong nakaraang araw.
Hindi naman pinapayagan ang mga simbahan na magsasagawa ng misa sa mga parokyano sa ngayon, na utos ng obispo sa lalawigan. Ang Mga Oras ng Curfew ay isasailalim sa Executive Order naman ng Gobernador sa mga susunod na araw. [Bernard Ver, RMN News]