Cauayan City, Isabela – Ipinagmalaki ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Ilagan na mula noong ipatupad ang ECQ hanggang GCQ ay nananatiling COVID-19 free ang kanilang lungsod.
Ayon kay Mayor Jay Diaz ng City of Ilagan, ito ay dahil sa kooperasyon at pakikiisa ng mamamayang Ilagueños.
Ayon pa sa punong Lungsod, kasama ang iba pang lokal na opisyal, maayos at tama ang kanilang pagpapatupad sa mga hakbangin para maiwasan ang paglaganap ng sakit.
Naging sistematiko din aniya ang pamamahagi ng ayuda gamit ang pondo ng pamahalaan para matugunan ang sapat na pagkain ng bawat mamamayan ng kanilang lungsod at para manatili ang mga tao sa kanilang mga bahay.
Sa ilalim ng GCQ, mahigpit pa rin ang kautusan ni mayor Diaz na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng protocols at guidelines para walang dahilan ng pagkalat ng COVID 19.
Kinikilala din ng punong Lungsod ang tulong at ayuda mula sa national government tulad ng Social Amelioration Program (SAP) na pinakinabangan ng mga tinatawag na poorest na Ilagueños.
Samantala, nagbigay na ng hudyat si Diaz na magsagawa ng testing procedures para sa mga kasalukuyang naka quarantine sa Lungsod at iba pang mga Quarantine Facilities gamit ang FDA-Accredited Rapid Antibody-Based Test Kits.
Ang procedure ay ginawa bilang kapalit ng testing kits mula Department of Health para matiyak ang ligtas na kondisyon ng mga may travel history mula sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ.
Ang testing ay alinsunod sa protocols ng DOH DM 2020-0151 o ang Interim Guidelines ng Expanded Testing for COVID-19.
Ito ay personal na sinaksihan ni Mayor Diaz at laking tuwa niya matapos magnegatibo ang lahat ng 84 kataong nasa quarantine facilities sa kanilang lugar.
Magsasagawa din sila ng testing para sa lahat ng frontliners ng Ilagan.
Dagdag pa ni Diaz, sisiguraduhin nilang mananatiling COVID-19 free ang City of Ilagan at wala umanong makakapigil sa kanila para gawin ito.