Naglabas ng dalawang Executive Order ang lokal na pamahalaan ng Manaoag upang ipatupad ang pagtitipid sa enerhiya at bagong work arrangement para sa mga empleyado ng munisipyo.
Sa ilalim ng Executive Order No. 25, Series of 2026, nilagdaan ni Jeremy Agerico B. Rosario ang mga hakbang upang higpitan ang paggamit ng kuryente at kontrolin ang gastusin sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Kabilang sa mga ipinatupad ang limitasyon sa paggamit ng air conditioning units sa mga opisina mula alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon lamang. Inaatasan din ang mga tanggapan na patayin ang mga ilaw, computer at iba pang kagamitan kapag hindi ginagamit upang makatipid sa kuryente.
Mahigpit ding ipatutupad ang regulasyon sa paggamit ng mga sasakyan ng pamahalaan, habang imo-monitor ang paggamit ng gasolina ng bawat tanggapan.
Samantala, sa ilalim naman ng Executive Order No. 26, Series of 2026, magpapatupad ang LGU ng compressed workweek simula Marso 9, kung saan ang 40-hour workweek ay gagawin sa loob ng apat na araw mula Lunes hanggang Huwebes, alas-7 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.
Ayon sa pamahalaang lokal, bahagi ito ng kampanya sa energy conservation na isinusulong ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr., habang layunin din nitong mabawasan ang gastusin at mailaan ang pondo sa mas mahahalagang serbisyo para sa mamamayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










